Sep 22, 2011

King of Diamonds 1

Ragnarok Minstrel

“Balasahin mo at bumunot ka ng apat na baraha…”


Hindi ako mahilig sa hula dahil di naman ako naniniwala sa mga hula pero yan lang ang bonding na nagagawa namin ni lola Victoria kung kaya nagpapahula ako sa kanya. Araw ng Linggo, matapos ko magsimba ay dinatnan ko si lola sa kanyang silid habang nakaupo sa kanyang kama at naglalaro ng solitaryo. Nagmano ako sa kanya at tinanong kung nag-almusal na ba siya, oo daw, dinalhan na daw siya ng kasambahay naming si ate Linda. Hindi na makalakad si lola Victoria ng maayos dahil sa katandaan, 89 years old na siya at nanginginig na ang mga tuhod kung kaya ayaw na niyang namamasyal dahil nahihirapan daw siya. Naubusan na rin ako ng kuwento dahil naikwento ko na ang mga nangyari sa buong linggo ko kahapon kung kaya para may magawa kami ni lola ay nagpahula nalang ako. Naglagay ako ng isa pang baraha ng di alam ni lola, wala lang, trip ko lang. Binalasa ko ang mga baraha tapos ay bumunot ako ng apat. Ipinalatag niya isa isa ng nakataob ang mga nabunot ko.


Buksan mo yung una…


Binuksan ko ang unang nakataob at nakitang isa itong Jack of Spades. Napangiti ako dahil alam ko ang ibig sabihin nun. Madalas ko kasing itanong kay lola kung ano ang ibig sabihin ng mga tao sa baraha. Napakamot ako ng batok tapos ay tumingin ako kay lola.


Isang kabataanng walang pakealam sa kinabukasan. Happy-Go-Lucky… Ang unang baraha ay kung ano ka sa kasalukuyan… Bukasn mo na ang ikalawa.


Napa-antanda si lola nang buksan ko ang ikalawang baraha. Kita ko ang takot sa mga mata niya.

Bakit po lola? Anong ibig sabihin ng Ace of Spades?

Kamalasan, apo. Maaari ring kamatayan. Ang ikalawang baraha ay isang babala, mag-iingat ka, apo. Buksan mo ang ikatlo, para malaman natin kung ano ang dahilan ng ikalawang baraha.


Kinilabutan din ako sa ibig sabihin ng ikalawang baraha. Hindi ako naniniwala sa hula pero, sino bang hindi makakaramdam ng kaba pag sinabing kamalasan o kamatayan? Binuksan ko na ang ikatlo upang maibaling ang atensiyon sa ikatlo. Nang makita ni lola ang baraha ay tinignan niya ako. Yun ung barahang isiningit ko kanina bago ko balasahin, ang Joker.

Pilyo ka talagang bata ka. Pero sinasabi ng barahang yan na ang ikalawang baraha ay mangyayari ng biglaan at hindi ito mapipigilan.


Lalu akong kinabahan, bakit ko ba kasi isinali yung Joker? Bahala na! Hindi ko na hinintay na sabihin ni lola, binuksan ko agad ang ikaapat na baraha. Napangiti si lola nang makita ito. Ako man ay naibsan nang makita ang King of Diamonds.


Ang ikaapat na baraha ang siyang papawi sa tatlong nauna. Isang matandang lalaki na may masaganang yaman ang darating sa iyong buhay, apo, upang sagipin ka.

Lola hindi kaya matronang bakla yan? Hahahaha!

Loko ka talagang bata ka! Hala sige at magbihis ka na ng pambahay.
(Tumayo na ako at akmang lalabas na ng biglang magsalita uli si lola…)

Stephen… Mag-iingat ka, apo.


Hindi ko na pinansin yon, ayokong takutin ang sarili ko. Kung oras ko na ay oras ko na, wla na akong magagawa. Pumunta ako ng aking silid at nagbihis. Matapos magbihis ay umupo ako sa aking kama at binuksan ang TV habang hinihintay kong makauwi si mama.


Ako nga pala si Stephen, 14 y/o at nasa third year high school. Isang tipikal na teenager na gagawin ang kahit anong maisipan. Happy-go-lucky ika nga. Ulila na ako sa ama, si mama nalang ang nagtataguyod para buhayin kami ni lola Victoria. Si mama ay isang manager sa isang bar kung kaya panggabi ang trabaho niya.


Narinig kong nagbukas ang gate at pumasok ang kotse ni mama kung kaya dali-dali kong pinatay ang TV at lumabas ng aking silid upang salubungin si mama.

Ma, Good Morning!!!

Aba, anglaki ng ngiti mo ah. May kailangan ka no?

Ahh… Ma, pwede ba ako mag-mall ngayon? Tutal Sunday naman.

Eh di mag-mall ka.

Hehe… Pengeng pera.

Sinasabi ko na nga ba’t may kailangan ka eh. Oh, heto.
(Kinuka niya ang pitaka sa bag niya at bumunot siya ng 1000.)

Wow! Thanks ma! I love you!
(Humalik ako sa pisngi niya.)

Love you too son. Oh sige na, matutulog na ako’t antok na antok na ako. Teka, nag-almusal ka na ba?

Hindi pa po, sabay na tayo ma, bago ka matulog.

O sige. Hintayin mo nalang ako sa dining, magbibihis muna ako.

Opo.


Hayun, nag-almusal kami ni mama, nag-kuwentuhan, nag-asaran, at syempre konting pangaral. Sobrang bait ni mama, balibhasa nag-iisang anak ako. Matapos kumain eh umakyat na siya upang magpahinga habang ako naman eh nagbihis uli para mag-mall.


Pumunta ako ng mall at dumeretso ako sa top floor. Pumila ako sa ticket booth at nagbayad ng entrance sa isang anime and gaming  convention na ginaganap doon. Bumili ako ng mga key chains, action figures, at DVDs. Nanuod ng mga banda na tumutugtog ng  J-Pop at syempre, cosplay competition. Nang makaramdam ako ng gutom ay kumain ako sa isang fastfood na nasa 1st floor pero bumalik din ako agad ng 4th floor. Masyado akong naaliw kung kaya di ko namalayan na gabi na pala.


Lumabas ako ng mall, sumakay ng bus tapos ay naglakad pauwi. Habang naglalakad ay napansin kong may kakaibang amoy ang hangin, amoy ng nasunog na kahoy. Hindi ko muna pinansin yon at tuluy-tuloy akong naglakad. Nang maapit na ako sa aming bahay ay napansin ko ang asul at pulang liwanang, hindi ko alam kung ambulansya ba o mobile ng pulis. Napansin ko din ang orange na kalangitan na ipinagtaka ko dahil alas-8 na ng gabi, hindi pwedeng sunset yun. Dahil dun ay nag-umpisa na akong kabahan. Binilisan ko ang lakad ko at napansing sa aming bahay nanggagaling ang orange na liwanag! Nasusunog ang bahay namin!


May mga bumberong pilit na pinapatay ang sunog, lumapit ako at tinanong kung nakalabas ba ang pamilya ko pero hindi nila ako pinansin. Sinubukan kong puntahan ang bahay namin pero pinigilan ako ng mga kapit-bahay. Sobrang takot na ako at di ko na mapigilang umiyak. Ito na ba yung sinasabing “Kamalasan at Kamatayan” ng ikalawang baraha? Nag-aalala na ako. Napaluhod na ako, nakatanaw sa aming nasusunog na bahay, umaasang ligtas sina lola Victoria, mama at si ate Linda.


Hinila ako ng isang baranggay tanod dahil nakaharang ako sa mga bumbero. Pinaupo niya ako sa di-kalayuan. Duon ay may lumapit na kapit-bahay skin.


Saan ka galing? Mabuti at wala ka pala sa bahay ninyo. Kung hindi ay baka hindi ka na rin nakalabas.

A-ano pong ibig ninyong sabihin? Na nasa loob pa sina mama ko at lola ko?!

Oo, si Linda palang ang nakita kong nakalabas diyan bago nagkasunog, may dalang maleta.

Saan po siya nagpunta?

Hindi ko alam. Tinawag ko nga pero di naman ako pinansin. Mukhang nagmamadali.


Pagkarinig ko nun ay nagsisigaw na ako at humagulgol. Ayokong tanggapin ang aking mga narinig, na hindi pa nakalalabas ang mahal kong lola at ang mahal kong ina sa nasusunog naming bahay. Mahal na mahal ko sila ay di ako papayag na mawala sila.


Tumakbo ako patungo sa aming nasusunog na bahay, pinigilan ako ng mga bumbero. Pero dahil na rin siguro sa adrenaline rush ko sa mga sandaling iyon ay nakawala ako sa pagkakahawak nila sa akin. Pumasok ako ng bahay at ramdam ko ang mala-impiyernong init. Sinisigaw ko ang pangalan nina mama at lola pero wala akong narinig kundi ang ingay ng apoy. Nahihilo na ako sa init at sa nalanghap kong usok pero ayoko pa ring sumuko. Kailangan ko silang mailigtas, wala akong pakealam kung mapahamak ako. Tutal kung mawawala rin naman sila ay parang nabawian na rin ako ng buhay. Patuloy ang pagsigaw ko hanggang sa naramdama ko nalang na may bumagsak na bagay sa aking ulo. Nagdilim ang aking maningin subalit gising pa rin ang utak ko. Natumba ako pero pilit ko pa ring bumangon. Gumapang ako. Nangangapa ako sa kadiliman hanggang sa naramdaman ko ang pagkaubos ng aking lakas. Tuluyan na akong nawalan ng malay.


Nang magkamalay ako ay natagpuan ko ang aking sarili sa hospital. Nasakit ang ulo ko at ramdam ko pa rin ang mala-impiyernong init sa aking balat. Nilingon ko ang aking paligid at nakita ang isang lalaking sa tantya ko ay nasa 40s na ang edad.

Gising ka na pala.

Sino po kayo?

Ako ang tito Eddie mo. Kapatid ako ng yumaong ama mo.

S-sina lola Victoria at mama ko po? Natagpuan na po ba sila?

Oo. Magpagaling ka para mapuntahan natin sila.

Kamusta na po sila?

Magpahinga ka muna. Mamaya ko na ikukuwento sayo.

No! Sabihin nyo po sakin, buhay ba sila? Nasan sila?

I’m sorry Stephen. Sunog na sunog na sila nang matagpuan.

No! Hindi totoo yan! sabihin nyong nagsisinungaling kayo!!


Hindi umimik si tito Eddie. Pakiramdam ko’y pinagsukluban ako ng langit at lupa. Hindi ko na mapigilan ang damdamin ko at tuluyan na akong nag-iiyak at nagwala sa kinahihigaan ko. Sinubuhan kong bumangon pero pinigilan ako ni tito Eddie. Tumawag din siya ng mga nurse at pinagtulungan nila akong ihiga. Ilang sandal pa’y may pumasok na isa pang nurse, inilabas niya ang isang syringe habang hawak ako ng dalawa pang nurse. Itinurok niya sakin at unti-unti akong nakatulog.Nang magising ako uli at nandoon pa din si tito Eddie.

Ano, tatawag ba uli ako ng nurse para makatulog ka uli?

(Hindi ako umimik.)

Handa ka na bang makinig ng mahinahon?

(Tumango lang ako.)

Good! Nakaburol na ang mommy at lola mo sa chapel sa tabi ng simbahan. Pagkalabas mo dito, pupuntahan natin sila. Magpagaling ka.

Ano daw po ang dahilan ng sunog?

Sumabog na LPG.


Pinilit kong magpakatatag matapos marinig ang pangyayari. Magwala man ako’y di ko na maibabalik ang mga nangyari na. Naalala ko ang hula ni lola Victoria, Ace of Spades na kamalasan o kamatayan na sinundan ng Joker na isang pangyayaring di maiiwasan at di mapipigilan, wala na akong magagawa kundi ang tanggapin ang mga nangyari. Tinignan ko si tito Eddie, sya ba yung sinasabi ng baraha na papawi sa tatlong naunang baraha? Siya ba yung King of Diamonds?


Ikinuwento ni tito ang mga nangyari sa kanila ng papa ko. Kung bakit umalis si papa sa kanilang hacienda. Pinili pala ni papa si mama, sa kabila ng pananakot ng mga magulang niya na hindi siya pamamanahan pag pinili niya si mama. Yun pala ang dahilan kung bakit hindi ko nakilala ang mga relatives ko sa side ni papa. Dalawa lang daw silang magkapatid ni papa. Ang lolo ko naman ay inatake sa puso sa pag-alis ni papa, samantalang ang lola ko ay namatay sa sobrang lungkot. Matagal na daw kaming hinahanap ni tito, pero huli na nang matagpuan niya kami, nasusunog na ang bahay nang dumating siya. Nang mailabas ako ng mga bumbero ay agad niya akong dinala sa hospital.


Nakalabas na ako ng hospital, pumunta agad kami sa chapel kung saan nakaburol sina mama at lola. Naging napakalungkot ng paligid, ramdam ko naman ang pakikiramay ng mga kapit-bahay namin. Huling araw na ng burol nila yun, hinintay lang talaga nila akong makalabas ng hospital. Kinabukasan ay pina-cremate sila ni tito at inilibing sa sementeryo katabi ng puntod ni papa.


Mayaman si tito Eddie, malaki ang bahay niya sa Maynila na nasa isang subdivision. Bukod pa ito sa mansion ng mga magulang nila sa probinsiya nila papa kung saan sila lumaki. Naging maganda ang pakikitungo ni tito Eddie sakin. May sarili akong yaya, may sarili akong kotse at driver, malaki ang kuwarto ko na puno ng mga latest gadgets. Naging maganda ang takbo ng lahat, patuloy akong nag-aral ng high school. Malungkot man at wala na sina mama at lola, pero masaya ako at nandiyan si tito Eddie para gabayan ako at ibigay lahat ng pangangaylangan ko, pati na ang sobra sobrang luho. Wala akong duda, siya na nga ang King of Diamonds.



Itutuloy…

No comments:

Post a Comment