Hindi ako mapakali habang naglalakad sa corridor, kahawak ang kamay ng nililigawan kong si Cenia.
“Tara upo tayo dun.” Pag-aya niya sabay turo sa isa sa mga sheds sa garden ng school.
“Angtahimik mo naman ngayon. Nakakapanibago.” Komento niya nang makaupo na kami.
Katahimikan.
“May sasabihin sana ako.” sabay naming nasambit na bumasag sa katahimikang namamagitan sa’ming dalawa.
“S-sige mauna ka na.” tugon ko. Tumitig lang ako sa mga halamang nasa harapan namin.
“Uhm… Dito rin ako nakaupo nuong araw na mapansin kita. Erren, tatlong buwan ka na ring nanliligaw sa’kin no?”
Tango lang ang isinagot ko na ‘di pa rin nagtatapon ng tingin sa kaniya.
“Oo.” Sabi niya. Napatingin ako sa kaniya habang nakakunot ang nuo ko.
---==O==---
Nanunuod ako ng basketball nuon nang mahagip ng aking paningin ang isa sa mga cheer leaders. Napakaganda niya. Nagulat nalang ako nang biglang may dumapong kamay sa aking batok.
“Arekup! Tangna mo ah! Bakit ka nambabatok?!”
“Na-love at first sight?”
“Ha?”
“Kanina pa ako daldal ng daldal hindi ka nakikinig. Mukhang malakas ang tama mo kay Cenia ah.”
Hindi ako nakasagot.
“Tsk! Mahirap yan brad! Campus crush pa ang napili mo. Marami kang karibal diyan.”
“Ganun ba?” wala sa sarili kong sagot.
“Oo eh. Pero huwag kang mag-alala. Tutulungan kita manligaw.”
“M-manligaw?” ang naitugon ko. “Manliligaw agad eh hindi ko pa naman mahal ung bebot.”
“Pero gusto mo siya ‘di ba? Matututunan mo din siyang mahalin in the process.”
“Eh… Ehh… Laurell kasi…”
“Bakit? Teka nga, huwag mong sabihing hindi ka marunong manligaw?!” ang napalakas na sambit niya, dahilan upang mapalingon sa’min ang ilan pang nanunuod sa court. Napahiya ako.
“Arekup! Gumaganti ka ah!” inis na sagot ni Laurell nang batukan ko siya.
“Kailangan talagang isigaw?” pabulong ngunit madiin kong sagot.
Tumawa lang ito’t umakbay sa’kin. “Hamuna! Tutulungan nga kita ‘di ba? Ganito ang gagawin natin…”
At tinuruan nga niya ang ng mga gagawin sa panliligaw.
Nakaupo si Cenia, kasama ang dalawa pa niyang kaibigan sa isa sa mga bench. Kinakabahan akong umupo sa katabing bench, pinagmamasdan siya.
May takot akong nadarama sa mga oras na iyon. Nanginginig ang mga tuhod ko, parang maiihi ako na ewan. Pinilit kong kumalma subalit hindi ko nagawa lalu na nang biglang tumunog ang mga speakers sa mga shed.
“Good morning schoolmates! This is your DJ Mac signing on. We have a very special guest this morning at alam kong kilala niyo siya dahil siya ang magaling na love DJ natin sa tuwing hapon. Please welcome, DJ Laurell!”
At tumunog ang palakpakang special effects nila.
“So DJ Laurell, anong nagtulak sa’yo upang gambalain ang pagtatrabaho ko ha?” pabirong tanong ni Mac.
“Well alam mo kasi brad, may isang secret admirer na gustong mag-alay ng kanta para sa isang napakaganda at napaka-yummy nating kamag-aral. Ang kaso sa segment ko ay may pasok ang kaakit-akit na dilag kaya hindi niya maririnig yung kanta.”
“Ah so kaya ka nag-barge in dito ngayon kasi wala pang pasok ang nasabing dilag sa mga oras na ‘to? Tama ba?”
“Tumpak! May utak ka din pala minsan brad!”
“Walang——“ tapos ay puro beep ang mga narinig namin na ang ibig sabihin ay nagmura ang napakabait na DJ. Nagtawanan ang mga nakarinig sa pagsasagutan ng dalawang DJ ng campus.
“Salbahe!” boses ni Laurell. “Hamuna mga kaibigan, pagpasensyahan niyo na at may dalaw ang ating butihing katoto ngayon. Balik tayo sa rason ng pagbulaga ko sa umaga niyo. Ang kantang ito pala ay iniaalay ng ating katotong itago nalang natin sa pangalang Erren…” ikinasamid ko ang pagkarinig ko sa pinaikling pangalan ko. Napatingin ako sa kinaroroonan ni Cenia subalit nakatingin naman sila sa speaker. Nakahinga ako ng maluwag. Humanda sa’kin ang Laurell na yan, kunwaring itatago ang pangalan ko halata naman ako iyon. “…para sa dilag na kilalang kilala ng lahat, si binibining Cenia. This is your DJ Laurell Weinder, enjoy.”
At pinatugtog na nga niya ang kantang nirecord namin kagabi.
♪♫♫♪♪♪♫
Kay sarap ng may minamahal
Ang daigdig ay may kulay at buhay
At kahit na may pagkukulang ka
Isang halik mo lang limot ko na
Kay sarap ng may minamahal
Asahan mong pag-ibig ko'y tunay
Ang nais ko'y laging kapiling ka
Alam mo bang tanging ligaya ka?
Sa tuwina'y naaalala ka
Sa pangarap laging kasama ka
Ikaw ang ala-ala sa 'king pag-iisa
Wala nang iibigin pang iba
Habang tumutugtog ay bigla namang nilingon ako ng isa sa mga kasama ni Cenia tapos ay humagikhik. Tapos ay nagbulungan sila. Napatingin din si Cenia sa kinaroroonan ko. Sobrang kaba ko. Nag-ligaw tingin ako upang hindi mahalata.
Kay sarap ng may minamahal
Asahan mong pag-ibig ko'y tunay
Ang nais ko'y laging kapiling ka
Alam mo bang tanging ligaya ka?
Sa tuwina'y naaalala ka
Sa pangarap laging kasama ka
Ikaw ang ala-ala sa 'king pag-iisa
Wala nang iibigin
Ikaw ang ala-ala sa 'king pag-iisa
Wala nang iibigin pang iba
Sa tuwina'y naaalala ka
Sa pangarap laging kasama ka
Ikaw ang ala-ala sa 'king pag-iisa
Wala nang iibigin pang iba
Wala na.. pang iba
Wala na.. pang iba..
Wala.. na.. pang iba..
♪♫♫♪♪♪♫
Matapos ng kanta ay tumayo ang babaeng kanina ay sumulyap sa’kin. Lumapit ito sa’kin sabay hila ng kamay ko. “Halika nga, ERREN.” Sabi niya sabay kaladkad sa’kin papunta sa upuan niya kanina.
“Anu ba yan!” maktol ni Cenia nang pinatabi ako sa kaniya.
“Iwan na muna namin kayo.” Sabi ng dalawang kasama niya.
“San kayo pupunta?!” sigaw ni Cenia na kitang namumula na ang mukha. Hindi tinugon o nilingon man lang ng dalawa ang pagtawag niya.
Umupo siya ulit. “Pasensya ka na sa dalawang yun.” Sabi niya.
Katahimikan.
“Uhmm…” magsasalita na sana ako nang bigla akong pinangunahan ng kaba kaya muli akong napatahimik.
“Maganda.” Sabi niya.
“H-ha? Maganda ka naman talaga ah.” gulat na sagot ko. Lalung namula ang mukha niya at alam kong ako man ay namumula dahil sa pag-init ng mga pisngi ko.
“Y-yung kanta. Maganda.” Sagot nama niya.
Muli ay natahimik kami.
“Salamat.” Muli niyang sabi.
“Saan?”
“Sa pagsabing maganda ako tsaka dun sa… Dun sa kanta.”
“Ahh… W-wala yun.”
“Cenia pala.” Nilahad niya ang kamay niya. Tinitigan ko ito. Ang puti, malinis, mukhang malambot… parang angsarap hawakan at halikan.
“Well?” sabi niya nang medyo natagalan ata ang pagkatulala ko sa kamay niya.
Inabot ko ang kamay niya, tama nga, angsarap hawakan. “E-erren… Errende Ebece.”
Yun ang unang pagkakadaumpalad namin ni Cenia. Duon na rin ako humingi ng pahintulot na ligawan siya na pinayagan naman niya.
Seryoso ako sa panliligaw kaya yung gabi ring iyon ay inihatid ko siya sa bahay nila. Naglakas-loob na rin akong makipagkilala sa mga magulang niya. Duon ko naranasan ang sobra-sobrang kaba nang i-interrogate ako ng tatay niya. Bago ako umuwi ay kinamayan ako ng tatay ni Cenia. Natuwa daw siya sa’kin dahil may lakas ako ng loob na magpakilala bilang manliligaw, isang sign daw yun na seryoso ako at may paninindigan. Kaya pinayagan niya akong sunduin at ihatid si Cenia araw-araw.
Naging maganda naman ang takbo ng lahat. Marami nga akong karibal subalit ramdam kong nakalalamang ako sa kanila dahil na rin may basbas ako ng magulang ni Cenia. Subalit dumating ang panahon na pinangangambahan ko…
Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyari pero ramdam ko sa loob ko na tila ba nabawasan ang nararamdaman ko para kay Cenia. Hindi nagkatotoo ang payo sa’kin ni Laurell na matututunan ko ang mahalin na nang tuluyan si Cenia sa proseso ng panliligaw. Du ko na-realize na simpleng crush o infatuation lang ang naramdaman ko para sa kaniya.
Nagdisisyon akong itigil na ang panliligaw. Kakausapin ko siya ngayong araw.
Hindi ako mapakali habang naglalakad sa corridor, kahawak ang kamay ng nililigawan kong si Cenia.
“Tara upo tayo dun.” Pag-aya niya sabay turo sa isa sa mga sheds sa garden ng school.
“Angtahimik mo naman ngayon. Nakakapanibago.” Komento niya nang makaupo na kami.
Katahimikan.
“May sasabihin sana ako.” sabay naming nasambit na bumasag sa katahimikang namamagitan sa’ming dalawa.
“S-sige mauna ka na.” tugon ko. Tumitig lang ako sa mga halamang nasa harapan namin.
“Uhm… Dito rin ako nakaupo nuong araw na mapansin kita. Erren, tatlong buwan ka na ring nanliligaw sa’kin no?”
Tango lang ang isinagot ko na ‘di pa rin nagtatapon ng tingin sa kaniya.
“Oo.” Sabi niya. Napatingin ako sa kaniya habang nakakunot ang nuo ko.
“Oo na, sinasagot na kita. Tayo na.”
Para akong hinampas ng kawali sa ulo sa narinig ko. “Pero…”
“Pero ano?” nagtatakhang tanong niya.
“Yun nga sana ang sasabihin ko eh.”
“Ano ba yun?”
“Sasabihin ko sanang ititigil ko na ang panliligaw dahil…”
“Dahil ano??!” tumaas na nang bahagya ang boses niya.
“Dahil na-realize ko na simpleng crush lang ang nararamdaman ko para sa’yo. Hindi iyon nadevelop sa nakaraang tatlong buwan, instead nabawasan pa.”
Tahimik. Nakatitig lang siya sa’kin at batid ko ang galit sa kaniyang mga mata.
“Pero dahil sinagot mo na ‘ko, I guess hindi na applicable yun. I guess manghihingi nalang ako ng… Breakup?”
Tumayo siya, agad na isinukbit sa balikat niya ang bag niya. Tinalikdan niya ako at nagsimula nang humakbang nang bigla siyang tumigil. Humarap ulit siya sa’kin.
“Pang-world record to. Shortest relationship ever!!! Hindi man lang tayo tumagal ng isang minuto!” sigaw niya sabay hampas ng bag niya sa’kin. Tumakbo siya palayo.
Nanatili akong nakayuko sa bench na yun. Nag-iisip. Naaawa ako kay Cenia subalit natutuwa din ako dahil nakalaya ako sa nararamdaman ko.
Buntong hininga.
Nagulat nalang ako nang may kamay na sumulpot sa harapan ko. Nag-angat ako ng tingin. Si Laurell.
“Okay lang yan. Tara videoke nalang tayo.” Pag-aaya niya.
Inabot ko ang kamay niya at tumayo na.
“So bakit mo nga ba tinigil ang panliligaw?” tanong niya.
“Kasi hindi ko siya nagawang mahalin.” Sagot ko.
“May iba bang nagpatibok niyan?”
“Oo eh.”
“Eh ano pang ginagawa natin dito?! Tara na sa bahay magrecording ulit tayo.”
“Ah.. Ehh.. Teka.”
Tumakbo ako pabalik sa garden. Pumitas ng kalachuchi. Kunot-nuo naman akong pinanuod ni Laurell.
“Para san yan?” tanong niya.
“Para sa nililigawan ko.”
“Ahh… Angcheap ha? Tsaka, bakit yan? Angbaho niyan eh!”
“Walang ibang bulaklak dun eh”
“Sabagay.”
Naglakad na ulit siya nang pinigilan ko siya.
“Bakit?” takhang tanong niya.
“Para sa’yo.” Sagot ko’y iniabot sa kaniya ang kalachuchi.
Bakas ang gulat sa mukha niya. Siguro’y kahit isang minuto ay mayroon sa pagtititigan namin. Binasag ko ang katahimikan sa pagsabi ng…
“I love you.”
“Sigurado ka ba?”
“This time? Yes.”
Sakto namang tumugtog mula sa speaker ang kantang nirecord ko. Pinlay pala ni DJ Mac. Ngumiti si Laurell at hinawakan ang kamay ko. Hawak-kamay kaming naglakad na kapwa may ngiti sa mga labi.
naks! gusto ko to rue! kakaiba sa mga ending ng mag stories mo... :)) hindi naman ksi pinagpipilitan ang love.. ang puso ay tumitibok lamang sa tamanng tao at sa tamang pagakataon.. ayiiieee
ReplyDeletelol kaw ata c laurell eh... love dj :))
DeleteWow. Di ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman,
ReplyDeletenangyari kasi sakin to. Yung kay cenia at erren.
Nanligaw ako ng halos isang taon. Tapos nung sinagot na ako. Saka ko naman na realize na wla na akong nararamdaman para sa kanya. Naging kami. Sinubukan kong ibalik pero wla na tlga di na nag work. :(
haha sa tagal bgo ka sinagot bka nanawa ka nlang =))
ReplyDelete