Jan 29, 2012

Reverie (Part 2)

Pasensya na po, di ko kasi akalaing may naghihintay pala neto kaya pa-easy easy aq lol... peo e2 na po ang kasunod... :)



REVERIE (Part 2)

Habang naglalakad ay biglang may itim na van ta tumigil sa tapat ko. Nangunot ang noo ko sa pagtataka. Tinatambangan ba ako ng kung sino? Sa anong dahilan? Bigla akong kinabahan.

Biglang bumukas ang pinto ng van at mula doon at iniluwa ka nito. Lubha akong nagulat sa sunod mong ginawa. Niyakap mo ako ng napaka higpit. Lalong bumilis ang kabog ng dibdib ko. Kaytagal kong pinapangarap na muli mo akong mayakap. Yumakap din ako sa’yo.

”Kamusta ka na?” tanong mo sa akin matapos mong kumalas sa pagyakap sa akin. Natutunaw ako. Hindi dahil sa init ng araw sa tanghali, kundi sa titig mo.

“O-okay lang naman ako. Ikaw ba kamusta?” tanong ko. Sumilay sa’yo ang napakatamis na ngiti na dahilan upang matulala ako. Napaka amo ng iyong mukha.

”Hoy! Tulala ka diyan!” pag-agaw ni Pipay sa aking pansin. Isa siyang gusgusing babae na naglalako ng banana cue, kamote cue, mochi, at kung anu-ano pang pwedeng ilako pang merienda. Nakalagay ang kanyang paninda sa tangan niyang bilao na natatakpan ng dahon ng saging.

“W-wala.” Sagot no na medyo napahiya dahil sa tulala na naman akong nangangarap ng gising.

“Bili ka na ng merienda. Buena mano ka.”

“Busog pa ko. Kakakain ko lang ng tanghalian eh.” Palusot ko.

“Ganun ba? Sige daan nalang ako sa bahay nyo mamaya ha?”

“Sige. Mauuna na ako, marami pa akong gagawin eh.” Paalam ko sa kanya bago muling naglakad pauwi. Napailing nalang ako.




“Kuya sino yung inihatid mo? Nakita ko kayo kaninang paglabas nyo ng bahay.” Bungad sa akin ng kapatid kong si Rose Jane o RJ. Kakauwi lang siguro galing sa bahay ng best friend niya. Salitan silang mag-sleep over.

”Si Brent? Wala yun. Katrabaho ko lang.”

”Ah ganun ba? Matanong nga kay ate Divina.” Patukoy niya sa coordinator ko. Akmang magtetext na siya nang pigilan ko siya.

”Di niya kilala yun. Ibang company yun.” Palusot ko.

“Ah ok.” Sagot niya ngunit alam kong hindi siya kubinsido. Magkaganun pa man ay wala na akong pakealam. Dumeretso na ako patungo sa aking kuwarto.

Pagpasok na pagpasok ko ng kuwarto ay kinuha ko agad ang bag ko at inilabas ang maliit na notebook na listahan q ng inventory sa mga outlet na naka-assign sa akin. Inihanda ko na rin ang mga report sheet ko sa bawat outlet. Lunes na kinabukasan at kailangan ko ng mag-submit ng weekly report.

Sumasakit na ang ulo ko sa kaka-doktor sa mga report ko. Buwisit kasi yung pinalitan kong merchandiser, bakit di niya inayos mga produkto namin sa stock room. Kalat-kalat kaya heto’t ako ang nahihirapan. Hinilot ko nalang ang aking sintido dahil talagang nananakit na ito.

Naramdaman ko nalang na may mga daliring dumikit sa aking sintido. Alam na alam ko kung kaninong daliri ang mga iyon dahil na rin sa paraan ng pagikot-ikot ng mga ito, pati na rin ang tamang diin sa aking sintido. Napapikit ako’t napangiti.

“Masarap ba?” tanong mo sa akin sa iyong mapang-akit na tinig. Sinagot ko lang ito ng ungol.

Nagpatuloy ang paghilot mo sa aking sintido at bumulong, “Sumama ka sa akin. Punta tayo sa isang lugar na makakapag-relax ka.”

Pumihit ako paharap sa iyo at nagbigay ng ngiting pagsang-ayon. Hinawakan mo ang aking kamay. Ramdam ko ang init ng palad mo na nagbibigay ng kapanatagan sa akin. Naglakad tayo ng magkahawak ang kamay, nakangiting nakatingin sa isa’t isa. Kitang kita ko ang mga malalalim mong biloy sa ilalim ng sulok ng iyong labi. Napaka-cute talaga.

Binaybay natin ang kalsada at lumiko pakanan. Naglakad tayo sa madamong lugar at di nagtagal ay nakarating tayo sa taniman ng palay na nuon ay nangingintab sa kulay gintong bunga ng pagsisikap ng mga magsasaka. Naupo tayo ng magkatabi sa isang malaking bato na nasa lilim ng puno ng acacia.

Tahimik. Kapwa tayo di nagsasalita subalit sapat na ang ating mga titig upang iparamdam sa isa’t isa ang pananabik. Dumadagdag ang preskong ihip ng hangin sa kilig na nararamdaman ko. Napakasarap sa pakiramdam.

“Na-miss mo ba ako?” bigla mong tanong sa akin.

Ngumiti ako’t sumagot. “Miss na miss.”

Hinawakan ko ang iyong baba at dahan-dahang hinila papalapit sa akin ang iyong mukha. Pinagmasdan ko ang kaakit-akit mong labi. Makinang, malarosas. Unti-unti ay dumikit ang labi ko sa ityo. Malambot, matamis, puno ng damdamin. Sa halik na iyon ay napapikit ako. Ramdam ko ang init ng damdamin natin para sa isa’t isa. Kasabay ng paglapat ng ating mga labi ay nagliparan ang mga…


PIKACHU!


Tumunog ang isang cellphone ko na ginagamit ko lamang para sa pamilya at trabaho. Napakamot ako ng ulo sa inis. Istorbo. Sino kaya ang pangahas na nagtext na umabala sa pananaginip ko ng gising?

Nahagilap ko ang cellphone ko sa drawer ko. Dali-dali kong binasa ang message. Galing sa coordinator ko.

“Hiro ung reports u ha,, Nid ko mga un sa tue so imail u sa ofce.”

Napangiwi nalang ako. Alam ko naman na yun kaya ko nga ginagawa ngayon. Naiiinis ako ng laging pinaaalahanan. Para bang di ko alam kung anong ginagawa ko. Nagreply nalang ako at binalik sa drawer ang cellphone.


“Kuya Hiro!” sigaw ni Rj habang sunod-sunod ang katok niya sa pintuan ng kuwarto ko.

“Oh bakit? Kung makakatok ka naman, sisirain mo ba ang pinto ko?” bungad ko sa kanya pagbukas ko ng pinto.

“Yung fan mo, nasa labas.”

“Sino?” kunot-noo kong tanong.

“Si Pipay!” sagot niya sabay bungisngis na para bang sa mangkukulam. Angsakit sa tainga.

“Bumili ka nalang ng mocchi. O kaya kahit anong gusto mo, kaw nalang kumain, busog pa ako.” Sagot ko sabay abot ng sampung pisong pambayad.

“Di mo ba siya haharapin?”

“Busy ako, dami kong report oh.” Sabay turo ko ng mga nagkalat na papel sa kama.

“Palusot ka na naman.”

“Ano?!” malakas kong sambit.

“Wala!” sabay takbo niya habang tawa ng tawa.



Muli kong isinara ang pinto. Naalala ko na bago na nga pala ang sim ko sa isang cellphone ko kaya dali-dali kong kinuha yun sa bulsa ko. Binuksan ang browser at syempre, open agad ang LCW.

 “guys, i hve a new # pla. 0906*******. wla na ung dti, pkidlete nlang.” agad ang post ko sa chat.

“lagi ka ngpplit ng # ah.” Sagot ni Bananaman na lagi nalang nagrereklamo sa galaw ko.

“pake mo saging? tnt” sagot ko.

“concern lang, sayang kc 100 pesos.” Sagot niya.

“d syang un, sulit nga weh. nu blita d2? sry d aq ganu mkkchat ngaun kc dami q pa ttpusin.” sagot ko naman.

“aq po bgo. jejeje” sagot ng bagong salta sa chatroom ko. Hunkdrew ang chatname.

“ah… welcome sau. nasl po?” sagot ko na pudpod na dahil un nlang at un tanong q sa twing my bgo sa chatroom.

“drew 18 m bguio. u?”

“21 m pmpanga.”

At mula doon ay nagpalitan na kmi ng salita. Mraming kwento si Drew at naaliw ako sa kanya. Nagchachat lang kami habang tinutuloy ko ang reports ko. Di nagtagal ay natapos ko rin ang mga yun kung kaya itinabi ko na ang mga papel na nagpasakit ng ulo ko sa envelope at sinelyuhan upang mai-mail ko bukas sa office.

Bigla-bigla nalang ay sumulpot sa chatroom ko ang pangalang ForeverWinter, ang chatname ni Brentford.

“babe, pgusapan naman ntin to oh.”

Hindi ko iyon sinagot. Ang ginawa ko ay ini-lock ko ang chatroom ko at kinick-out siya. Naiirita ako makita lang ang chatname niya.

“guys wg kaung llbas, nkalock ang room.” Post ko.

“bkit mo nilock?” tanong nman ni Wakka.

“dmi na ntin ei, auq ntatabunan mga msg ntin dhil sa mga spammer.” Pausot ko na pinaniwalaan naman nila dahil nagkataong marami rin ang nagi-spam ng message na nagpopromote sa wapsite nila.

Patuloy kaming nagchat, lalu na kami ni Drew. Di nagtagal ay tinanong niya kung may Mocospace ako. Binigay ko naman ang URL ko para mai-add niya ako. Pagka-add niya sa akin ay tinignan ko agad ang Mocospace ko. Pagka-log in ko ay bumungad sa akin ang friend request niya. Agad ko namang tinignan ang profile niya. Mestiso, maganda ang katawan na makikita sa pictures niya. Halos lahat ng pictures niya ay naka-brief lang siya. Ok naman, may ipapakita naman siya.

Sunod kong tinignan ay ang inbox ko. May isang message dun na galing kay Brenford. Di ko na sana babasahin pero ewan, binuksan ko pa din.

“Usap naman tayo please. Pag di ka nagreply magpapakamatay ako.”

Napakamot nalang ako sa tainga. Di ko na yun pinansin. Kung magpapakamatay siya, kasalanan niya yun. Tanga siya eh.

Bumalik ako sa chatroom ko.

“drew, model kba ng brief? tnt”

“no. kumportable lang me sa gnun. jejeje.”

“ah… ok... sa lamig jan brief lang suot m lagi?”

“d nman lagi, pag nsa kwarto lang. kw po cm, cute mo po.”

Bingo! Isa na namang target. Napangiti ako. May naglalaro nang plano sa isip ko sa mga sandaling yun. Isa rin itong paminta, sigurado ako dun. Naputol lang ang pag-iisip ko nang magpost ang pinsan ni Brent, si Mouse-Boo.

“gtg guys, my emergncy d2 bhay.”

Ano kaya ang nangyari? Di bale, tatanungin ko nalang siya pagbalik niya. Sa isip ko lang.

Nag-chat lang kami ni Drew. Nilalambing-lambing ko siya. Nagpapaka-sweet ako. Palitan ng jokes at banat. Napansin ko nalang na alas dose na ng hating gabi. Nawili ako sa masyado pagchachat. Maaga pa ang pasok ko mamaya kaya kailangan ko ng matulog.

“guys, out na ako. aga pa pasok q mmia.” Paalam ko sa mga chatters. Binuksan ko na din ang chatroom, di na siguro babalik si Brent.

“cge po cm, tc po. S2 u. jejeje” si Drew.

Isang ngiti ang gumuhit sa aking labi. Madali lang ma-sakatuparan ang plano ko kapag nagpatuloy ito. Di na ako sumagot, nag-logoff agad ako at nahiga na.



Nagising ako mula sa aking pagkakahimbing. Brownout. Naglakad ako palabas ng bahay. Umakyat ako sa bubong. Duon ay naupo ako, nakatingala sa madilim na kalangitan. Walang bituin. Mabigat ang loob ko. Unti-unti ay nanlabo ang aking paningin. Naramdaman ko na lamang ang pag-agos ng mainit na luha sa aking pisngi. Kasabay nito ang unti-unting pagbuhos ng ulan at paglakas ng hangin. Di ako natinag. Nanatili akong nakaupo duon hangang sa lumakas na ang ulan at hangin. Minsan ay nagugulat ako sa kulog at kidlat subalit hindi ako natakot. Ang hinihiling ko pa na sana ay tamaan ako ng kidlat upang matapos na ang lahat. Upang magwakas na ang paghihirap sa aking dibdib.



Bigla akong nagising. Panaginip lang pala. Puno ng luha ang aking pisngi. Naalala ko si Brentford. Brent, tanga ka. Huwag na huwag mo akong sisisihin sa katangahan mo. Bulong ko sa aking isip bago muling nahiga upang ituloy ang tulog.



Nag-alarm ang cellphone ko ng alas-4 ng madaling araw. Pinilit kong bumangon upang makapagsaing at magprito ng itlog. Naligo rin ako pagkatapos at nag-almusal. Bibiyahe pa ko ng alas-5. Tulog pa ang mga kasama ko sa bahay nang umalis ako.

6:30 ng umaga nang makarating ako sa Dau kung saan ako naka-assign sa araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes. Papasok pa lang ako ng locker room nang biglang may humablot ng braso ko.

“Baby Hiro!!!” tili pa ng babaeng nakalingkis ngayon sa akin, si Janet.

“Oh, ang aga-aga ang-ingay mo.” Reklamo ko.

“Namiss kasi kita eh.” Sagot niya na abot-tainga ang ngiti. Maliit na babae lang siya, mga 5’2” ang taas, maputi, maganda ang mahaba at natural na kulot niyang buhok, cute, para siyang manyika sa totoo lang. Ang kaso nga lang ay napaka-aggressive niya, isang katangiang turn-off sa akin. Isa pa’y nababalitaan ko sa mga kasama kong merchandiser na playgirl daw itong promo girl na to. Basta type niya’y madali siyang nagpapakama.

“Sandali lang Net, ipapasok ko lang ang gamit ko para makapagbihis na din.”

“Sige, wait kita dito ha?” sagot niya sabay kaway. Napangiwi ako sa inaasta niya habang papasok ako ng locker room.



“Iba talaga ang pare kong to. Habulin!”

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses. Si Jethro. “Oh, ikaw pala pare. Aga mo ngayon ah.”

“Eh tatlo na late ko eh, mainit na mata sakin ni madam.” Nakangiti nitong sagot.

“Kasalanan mo yun. Nga pala, sira-ulo ka! Pinasakit mo ulo ko sa mga reports ko.” Sagot ko. Si Jethro ang pinalitan kong diser sa company namin. Nagresign siya kasi mababa ang sahod sa company namin na di ko naman maitatanggi. 230/day lang sahod ko, minimum na provincial rate.  Bukod duon ay hindi sila magkasundo ng ahente ng company. Lagi silang nagbabangayan.

“Hahaha! Pasensiya na pare. Malaki lang talaga galit ko sa company mo. Alam mo naman ang nangyari diba?” sagot niya.

“Eh hindi naman ang company ang pinahirapan mo, ako! Kalat-kalat ang mga stocks, nasisira tuloy mga reports ko.”

“Malay ko bang ikaw ang ipapalit nila. Kung alam ko lang sana eh di hindi ko na ikinalat ang mga stock sa stock room.” Nakangisi pa ang loko habang sinasabi yun.

“Bahala na si pikachu. Dinoktor ko nalang muna. Pag ako nasabon ni Ma’am Divina, lagot ka talaga sa akin.” Banta ko pa na tinawanan lang niya.

Hinubad ko ang t-shirt na suot ko. Ramdam ko ang lamig ng hangin ng AC na dumadampi sa aking balat. Isinuot ang puting t-shirt at vest na inuporme sa supermarket na yun. Hinubad ko rin ang aking suot na maong upang magpalit ng slacks na selyado ang mga bulsa. Ipinasok ko sa locker ang mga damit ko. Akmang ipapasok ko na din ang mga cellphone ko nang mag-beep ang isa. Binasa ko agad ang text.

“They say a kiss in the morning can make your whole day happy, so here’s a kiss for you. Mwah! Gud morning :).” galing sa unregistered number. Nagreply ako para itanong kung sino siya.

“Si drew to. Sinave ko # mo nung pinost mo.” Sagot niya. Napangiti ako.

“..ah gnun ba? gud mawnin dn. geh, nid q na pumasok, my work pa q. mea nlang.” Reply ko bago tuluyang iniwan ang mga cellphone ko sa locker.

“Tsk tsk tsk. Dami mo talagang chicks! Ambunan mo naman ako.” si Jethro.

“Wag ka kasing torpe!” sagot ko at nagtawanan kami.



Paglabas namin ng locker ay agad na namang pumulupot sa braso ko si Janet. Hindi nalang ako umimik ngunit si Jethro ay tatawa-tawa. Naglakad kami papuntang employee’s entrance upang mag-log sa biometrics. Pagpasok ay naghiwa-hiwalay na kami upang pumunta sa mga puwesto namin.

Tinignan ko muna ang shelves kung saan nakadisplay ang mga produkto ko. Kailangan ko nang mag-refill kaya tinungo ko agad ang stock room upang kumuha ng mga stocks na sasapat para sa shelves. Nilagay ko ang mga items sa pushcart.

Habang pabalik na ako sa puwesto ko ay may nakita akong pamilyar. Natigilan ako. Inaninag ko ang mukha nung tao. Kumabog ang dibdib ko. Hindi ako maaaring magkamali, ikaw yung nakita ko!

Iniwan ko ang pushcart at patakbong hinabol ka. Palingon-lingon ako, hinahanap ka ng aking paningin. Nasaan ka? Kailangan kitang makausap. Please magpakita ka.

Napagod ako kaka-ikot sa buong supermarker subalit hindi kita natagpuan. Malungkot akong binalikan ang pushcart. Natigilan ako. Bigla akong natakot.

“Nasan na ba siya?!” rinig kong tanong ni Madam Lily, ang manager ng supermarket.

“Ayan na po pala.” Sagot ng isa sa mga diser sabay turo sa akin. Lumapit akong nagkakamot ng tainga. Naiinis ako na natatakot na ewan.

“San ka ba pumunta?! Bakit mo iniwan ang mga to?!” pagtataray ni madam.

“Ah..ehh…” hindi ko alam ang sasabihin. Tsk! Isip! “Naghanap po kasi ako ng ladder para ilagay ang mga yan sa buffer.” Ang naisip kong palusot.

“Kahit na! Dapat hindi mo iniiwan ang mga to! Eh kung ma-shop lift ang mga yan?! Isa pa, may stock pa sa buffer magdadagdag ka pa?!” patuloy na pagtataray niya.

Nagulat ako. Merong stock sa buffer? Bat di sinabi sakin ni Jethro?! Tumingin ako sa puwesto niya na malapit lang sa kinaroroonan ko ngayon. Nakatingala siya at nakangiti. Tsk! Buwisit!

“Sorry po, ma’am. Di na po mauuulit.”

“Oh siya, kunin mo na ang mga yan!” at umalis na siya. Bakit ba mainit ang mata ng babaeng ito sa’kin? Mula nung interview ganyan na siya sakin, mataray.

Tatawa-tawa naman si Jethro habang sinasabon ako ng manager. Binato ko nalang siya ng masamang tingin. Ngumiti naman siya ay nag-peace sign.




Matapos kong mai-display ang mga items ay humiram agad ako ng hagdan upang tignan ang buffer. Napahilamos-palad ako nang makitang may tatlong kahon pa ng produkto na tatlong buwan nalang ay ma-eexpire na ang shelf life. Dapat ay nauna kong nai-display ang mga ito kung sinabi lang agad sa akin ni Jethro. Patay ako neto kay ma’am Divina. Di pa kasali sa report ko ang mga ito.

Matapos kong ayusin ang lahat ay sumugod ako kay Jethro. “Pare naman, bakit di mo sinabi sa’kin yung mga naka-buffer?”

“Sorry pare, nakalimutan ko eh.” Sagot niya ng nakangisi.

“Makakaganti din ako sa’yo.” Banta ko. Matapos ay tinulungan ko siyang magdisplay ng mga produkto niya dahil wala na rin akong gagawin.




Lunch break na. Sabay-sabay kaming lumabas nina Jethro, Janet, pati ang iba naming kasama upang kumain. Pumunta muna kami ng locker room upang kunin ang envelope ng report ko upang gumawa ng last minute changes dahil na rin sa kagagawan ni Jethro. Kinuha ko din ang wallet at mga cellphone ko. Napakadaming text ang nareceive ko. Dalawa mula kay Bananaman, isa kay Cryptic_Moon, at tatlumpu mula kay Drew. Naalala ko munang i-text si Mouse-Boo upang itanong kung anong nangyari kahapon.

Binasa ko isa-isa ang mga message ni Drew habang naglalakad papunta sa paborito naming karinderya. Puro sweet quotes ang mga message niya. Nireplyan ko siya upang ipaalam na lunch break namin.

Habang naglalakad ay biglang may yumakap sa akin mula sa likod. Nagulat ako. May pagtataka sa mukha ng mga kasama ko. Kinakabahan ako. Lumingon ako sa taong nakayakap sa akin ngayon. Pagtingin ko’y halos di na naman ako makakilos. Nakangiti habang sinasabing “Angtagal mong lumabas. Nainip ako.”





Itutuloy…

5 comments:

  1. interesting talaga itong story mo... keep it up! Excite na ako sa mga susunod na chapter! sana dumami pa kami dito! :)

    ReplyDelete
  2. mbuti nman at ngging interesado ka d2 khit msama ugali ng bida q :)

    ReplyDelete
  3. mukha kasi may mangyayari sa kanyang nakakaexcite...

    ReplyDelete
  4. hmm isa lang nman po mangyayari sa kanya ei :)

    ReplyDelete
  5. anuman ang mangyari sa kanya ay mukha talagang interesante kasi base sa ugali niya, pati na rin sa mga visions niya....

    ReplyDelete