Dec 1, 2011

Wooden Box Of Memories

            Malamig na ang simoy ng hangin sa labas. Maraming bagay at ala-ala dito ang nagpasaya sa akin, marami ring nagpalungkot at nagpaiyak sa akin. Dumating na ang panahon upang lisanin ko ang bahay na aking kinalakihan.


            Nag-eempake na ako at nag-aayos mga gamit na aking dadalhin. Isang malaking kahon ng brandy ang aking napansin. Matagal na rin itong nasa itaas ng aking aparador. Sa tuwing naglilinis ako’y ibinababa ko lamang ito ngunit di ko binubuksan. Sa pagkakatanda ko’y mga lumang gamit ko sa eskuwela nung high school at college ang laman nun. Kinuha ko ang kahon at binuksan. Di nga ako nagkamali, mga lumang kagamitan ko nga. Isang lumang wooden pallete at mga pudpod na brush, mga tube ng pintura na natuyo na ang laman, lumang pens na wla ng tinta, ilang mga test papers na ayoko ng basahin, school magazines, luma kong binder at file holder, tech pens na baluktot na ang pin, mga sirang triangles, scale, protractor, circular, at marami pang mga maituturing na basura.

            Ibabalik ko na sana ang mga nakalkal ko sa kahon na yun nang mapansin ko ang nasa pinaka-ilalim nito. Nakabalot ito ng lumang plastic ng isang sikat na brand ng damit. Kinuha ko ito at nang buksan ko ang plastic ay natagpuan ko ang isang lumang kahon na nakabalot ng christmas gift wrapper. Sa kalumaan ay malutong na ang pabalat at madaling matuklap. Di naman ito selyado kung kaya maingat kong hinugot ang kahon mula sa pabalat nito. Isa itong wooden box. Natatandaan ko na kung ano yung box na yun. Yun ung box na regalo ng aking ninong nuong elementary pa lamang ako. Lulan nito ang isang pares ng shorts. Iyon ang ka-una-unahan at nag-iisang regalong natanggap ko mula sa nag-iisa kong ninong. Kasi naman laging pera binibigay ni ninong at ninang kapag pasko, na kinukuha naman ni papa upang bilhan kami ng damit para sa bagong taon. Alam mo yun, yung pera mo hindi mo magamit pambili ng gusto mo. Kung kaya nang matanggap ko ang regalo galing kay ninong, tuwang tuwa ako, atleast di madedekwat ni papa sakin. Nakangiti kong pinagmamasdan ang kahon na nagbalik sa aking ala-ala nung ako’y musmos pa lamang; Nung ang pasko ang pinaka masayang araw para sa akin.

            Bubuksan ko sana ang kahon ng mapansin ko na may maliit itong kandado. Natatandaan kong inilock ko nga pala iyun noon. Muli kong kinalkal ang plastic ngunit di ko makita ang susi. Nag-isip ako kung saan ko ba nailagay ang susi nun. Nagpatuloy ako sa pagkalkal hanggang sa may makita akong nakatuping papel na may sulat-kamay ko. Ang nakasulat ay “kisame”. Umakyat ako ng kisame at sa amba ng bubong ay may nakausling pako. Duon ko nakitang nakasabit ang susing aking hinahanap. Napangiti ako akong muli, tanda ko pa nuon, mahilig kaming maglaro ng kapatid ko ng treasure hunting. Yun bang magtatago kami ng kahit anong bagay, candy, laruang mamiso sa tindahan, o kaya naman ay piso. Naglalagay kami ng clue na susundan naman niya hanggang makahanap ng isa pang clue, na magtuturo pa sa ibang clue hanggang matagpuan na nya yung “treasure” na inihanda ko. Ganuon din siya kapag siya ang may handang “kayamanan” para sa akin.

            Bumaba uli ako at tinumbok ang aking kuwarto. Kinuha ko yung kahon at sinubukang buksan gamit ang munting susi na aking natagpuan. Swak na swak, nagbukas yung pad lock.

            Pagbukas ko ng kahon ay agad na bumungad sakin ang isang lumang pencil case na may print ng Ghost Fighter. Ito yung pencil case na lalagyan ko ng mga coloring pencils ko nung high school. Loner kasi ako nuon, mahiyain, kung kaya madalas ay mag-isa lang ako kapag vacant period, hawak ang aking sketch pad ay gumuguhit ako at nagkukulay.

            Nakatambay ako noon sa barong-barong na school canteen nung 2nd year high school ako. Nakaupo ako sa isang mahabang kahoy na upuan at syempre pa, nagkukulay sa aking sketch pad. Bigla akong natigilan nang marinig ako ang mga salitang “Ate, anong meryenda ngayon?” Kilalang kilala ko ang boses na iyon. Dahan-dahan kong iniangat ang aking mukha upang tingnan kung sino ang nagsalita. Hindi nga ako nagkamali, siya nga ang nagsalita. Bigla akong natulala, tinititigan ang maamo niyang mukha. Napakakinis ng kaniyang balat at ang mga mata’y parang laging nangungusap. Nagulat na lamang ako ng bigalang may kumutos ng daliri sa aking harapan. “Huwag kang mag-alala, mahal ka nun!” sabi niya na natatawa. “H-ha?” ang tangi kong naisagot na lalong nagpatawa sa kaniya. “Ang sabi ko, anggaling mo namang magkulay. Pag natapos yan pakita mo sakin ha?” ang sabi niya na tinanguan ko lang ng mabilis. Tinuloy ako ang ginagawa ko ngunit tila yata nawalan ako ng kontrol sa aking kamay. “Huy, napano ka?” ang tanong niya sakin. Lagpas-lagpas na ang mga kulay ng coloring pencil sa aking sketch pad. Parang akong batang nagi-scribble lang. “Design yan.” ang palusot ko naman ngunit ang totoo’y ang presensya niya ang dahilan kung kaya nawalan ako ng kontrol sa aking kamay. Ninenerbyos ako sa tuwing nariyan siya, yung nerbiyos na maganda sa pakiramdam. “Sabi mo eh. Basta pakita mo sakin yan pag natapos na ha?” ang huling sinabi niya bago tuluyang umalis.

            Natatawa ako sa ala-alang iyon. Di kaya niya nahalata?

            Binuksan ko ang Pencil case ngunit wala na ang mga coloring pencils ko doon. Tanging pudpod na charcoal pencil lang na ginagamit ko sa pag-shade ang lapis na naroon. May mga lumang paper clips din na nakalagay na kahit sa pagdaan ng mahigit isang dekada ay matingkad pa rin ang kulay. Isasara ko na sana yung pencil case ng mapansin ko ang isang nakatuping papel na nakaipit sa isa sa mga paper clips. Kinuha ko yun at binuklat. Madilaw na ang papel sa kalumaan at ang mga print ay halos di na mabasa dahil kupas na.

            Bagong tayo lang ang ka-isa-isang fast food chain sa bayan namin noon. Dahil sasampung piso lang ang baon ko araw-araw ay di ko magawang makabili ng kahit fries man lang. Subalit isang araw ng linggo, binigay ni papa ang allowance ko for the week ng buong buo. Sapat na sapat lang upang makabili ng pinaka murang value meal sa fast food na yun. Di ako nagdalwang isip na ipambili yun, tutal naman naglalakad lang ako papunta ng school. Gusto kong maranasan ang kumain sa fast food na yun kahit minsan lang. Pumasok ako at nakipila. Kakaunti lang ang tao doon nuon, kasi nga maliit lang ang fast food at isa pa, nagiging praktikal ang mga tao. Kesa nga naman sa fast food ay sa bakery nalang sila bibili. Sa halagang 40 pesos ay marami na silang tinapay na mabibili at marami ng makakakain, di tulad sa fast food na pinaka mura na ang 39.95 at iisa lang ang kakain.

            Habang nakapila ako’y nakita ko siya. Nagtatrabaho pala siya dun. Muli, para akong isang kitikiti na di mapakali sa pagkakakita ko sa kanya. Lumalakas ang tibok ang aking dibdib habang papalapit sa karehang aking pinilahan. Hanggang sa…

            “Sir, dito na po kayo.” Paanyaya niya sakin dahil wala ng nakapila sa harapan niya. Nagdadalawang-isip ako kung pipila ba ako sa kanya o manatili nalang sa pila kung saan pangatlo ako. Bigla akong nilapitan ng guard at sinabing “Sir, dun na po kayo.” Wala na akong nagawa kundi ang pumunta sa harapan niya.

            “I-isang chocolate sundae.” Ang sabi ko.

            “Sir, sorry. Hindi po kami nagseserve ng sundae dito.” ang sagot niya.

            “G-ganuon b-ba? Y-yung number 1 nalang.” sagot ko.

            “Large po ba yung fries at drinks?”

            “H-hinde.”

            At tumalikod na nga siya upang kunin ang mga inorder ko. Pinagmamasdan ko siya habang mabilis na kumikilos. Sa kabila ng mabilis niyang pagkilos, ako naman ay parang naka-marijuana na slow motion ang nakikita. Parang isang graceful na sayaw ang mga kilos niya. Namalayan ko nalang na tinapik na ako sa balikat ng guard. “Sir, ok lang po kayo?” tanong niya. “O-opo kuya.” sagot ko naman. Kanina pa pala tapos ang kahera at kinukuha na ang bayad ko. Dinukot ko ang aking bulsa at kinuha ang 50 peses na baon ko sana sa buong linggo. Iniabot ko ang bayad at sa pagkuha niya nito ay nahawakan niya ang aking kamay. Kinikilig ako subalit ayaw kong magpahalata. Dahil sa pagpipigil ng kilig ay para na pala akong estatwa na di na nakagalaw. “Sir?” pagtawag niya sa aking pansin. “Y-yes?” ang nagulat kong sagot. “Change nyo po.” sabi niya at upinatong ang resibo sa aking palad na kanina pa nakaunat mula nng nagbayad ako. Ipinatong din niya ang sukli kong 10 pesos at 5 centavos sa resibo. “Thank you sir, enjoy your meal.” Sabi niya bago ako tumalikod na tangan-tangan ang tray at nanginginig ang mga kamay sa kilig na kanina ko pa pinipigilan.

            Mula nung araw na iyon ay gabi-gabi ko na siyang hinihintay na lumabas sa fast food chain na yun. Madalas ay 1am na siyang lumalabas dahil closing siya. Dahil dun ay madalas ako mapagalitan ni papa, akala niya’y namomokpok ako sa plaza. Para namang may pera akong pambayad ng pokpok. Hay. Pero ok lang. Makita lang siya’y sapat na sa akin, kaya kong harapin ang mga sermon ni papa.

            Eto pala yung resibo na yun. Kahit malabo na’y nakikita ko pa rin ang pangalan niya, maging ang petsa ng unang pagdadaupang-palad namin. Ngingiti-ngiti ako na parang sira sa ala-alang kalakip ng lumang resibong iyon na nakatago ng mahigit isang dekada.

            Sa patuloy kong pagkalkal ay nakita ko ang mga lumang school at graduation pictures at isang music box. Pinihit ko ang pihitan at inilapag ko sa semento. Tumugtog ang Für Elise mula sa piano musicbox.

           
            Naging magkaklase kami nung 4th year. Napakasaya ko nun dahil lagi ko na siyang makikita araw-araw, oras-oras, at di ko na kailangang maghintay sa plaza sa kanyang paglabas sa trabaho. Dito rin ako nagkaroon ng lakas ng loob. Nung una ay kinaibigan ko muna, at nang maglaon ay niligawan ko na. Napag-alaman ko na mahilig siya sa classical music kung kaya nung araw na magpopropose na ako ay hiningi ko kay lola ang lumang music box at ito ang ibinigay ko sa kanya. Tuwang tuwa siya at agad niya akong sinagot. Ibinalik niya sakin ang music box upang ingatan ko at lagi ko naman itong dala upang sa tuwing magkasama kami’y pinapatugtog ko iyon.

            Nagkasundo kaming iisang school lang ang aming papasukan sa college. Sabay kaming kumuha ng entrance exam para sa kursong gusto niya, BSE. Alam niyang gusto kong kumuha ng engineering subalit mas pinili kong samahan siya sa kursong gusto niya upang lagi kaming magkasama. Nung una’y tutol siya dahil gusto daw niyang tuparin ko ang pangarap ko, subalit nagpumilit ako.

            Napabuntong hininga nalang ako sa ala-alang iyon. Di naman kasi ako nagtagal sa college of education kasi mahina ang memory ko kaya nagshift din ako ng civil engineering. Atleast dun hindi gaanong kailangan magmemorize, basta alam mo ang formula ay madali nalang. May scientific calculator naman para sa calculations. Sa minor subjects naman tulad ng history, pol-sci, at soc-sci ay expected na ang tres na grado ko. Puro naman kasi memorization kailangan dun. Dos naman sa english at filipino at uno sa nat-sci at humanities.



            Habang tumutugtog ang music box ay muli akong naghalungkat sa wooden box. Nakita ko ang isang budha beads na bracelet na usong uso nuon, isang mermaid’s beads na gawa sa sinulid, ilan pang mga letrato at isang cassette tape at ang dilaw na walkman. Kinuha ko ang 2AA battery ng wallclock at nilagay sa walkman, pinasok ang tape at ipinlug ang ear phones sa aking tenga. Pinindot ko ang Play button at tumugtog ang kanta ng paborito kong boyband nuon.

            ♪ I don’t  care who you are, where you from, what you did, as long as you love me...♫ kanta ko sa kanya kabang hawak-kamay kaming naglalakad papuntang university chapel. “Ay ayoko nyan!” sagot niya sabay ng ♪ It’s only words, and words that all I have to take your heart away... ♫ ganting kanta niya. Backstreet Boys fan kasi ako at siya naman ay Boyzone fan kaya madalas kaming magtalo kung sino ang mas magaling. Pumipili kami ng magiging theme song namin nuon at di kami magkasundo sa kanta. BSB ba o BZ? Hanggang sa mula sa speaker ng chapel ay tumugtog ang ♪ Too many billion people running around the planet. What is the chance in heaven that you'd find your way to me? Tell me what is this sweet sensation? It's a miracle that's happened. Though I search for an explanation, only one thing it could be -That I was born for you...♫ at dahil duon ay sabay naming nasabing “Yan nalang!” at nagtawanan kami.

            Yun nga ang nangyari, ang kantang “Born for You” ni David Boomerang(yan tawag sa sa composer/singer ng kanta) na ang nagng theme song namin na lalong nagpatibay ng samahan namin. Di na kami nagtatalo sa boybands at ang katunayan ay niregaluhan niya ako ng BSB tape para sa pasko. Pumunta din kami ng photo studio upang ipaletrato ako, gusto niyang gift ay ang letrato ko. Daya nga, hindi siya nagpaletrato para may picture din niya ako. Sagot niya sakin na pakanta “You got a picture of me in your mind!” Habang hinihintay ang pagdevelop sa letrato ay lumabas muna kami. Bumili kami ng bracelet na usong uso nuon. Dumaan din kami sa isang cross stitch shop at bumili siya ng mga sinulid. Bumalik kami sa studio. Di pa daw tapos madevelop kaya naghintay pa kami. Habang naghihintay ay pinagbuhol-buhol niya yung mga embroidery threads. Alam ko yung ginagawa niya, mermaid’s beads ang tawag dun na madalas ginagawang friendhip chain. Dahil may bracelet na kami, di bracelet ang ginawa niya. Nang matapos niya gawin ay pinatalikod niya ako at itinali yun sa zipper ng bag ko. “Yan. Wag mong iwawala yan ha?” sabi niya. “Eto ang sakin.” Dugtong pa niya habang iwinawagayway ang kapares ng mermaid’s beads na gawa niya. Itinali niya yun sa kanyang purse.

            Natawa ako habang hawak ang malaking letrato ko. Mga wallet size kasi ang kinuha niya nung mga panahong yun at binigay sakin ang 3x5”. Inilapag ko ang letrato at hinayaan ko lang na tumugtog ang tape sa walkman. Mulikong kinalkal ang wooden box at ngayon naman ay nakita ko ang isang lumang phone card.

            Nung mga panahong yun ay magpapasko kung kaya kami, mga kasapi ng University Outreach Ministry, ay nagkaroon ng christmas party na overnight. Sa school grounds pa din naman pero sa high school department. May malawak na soccer field kasi duon, tamang tama sa pagka-camping. Magtatakip-silim na yun kaya nagsetup kami ng tents habang ang iba ay nagpapalipad ng saranggola. Nang matapos kami sa pagtayo ng tents at hinanap ko agad siya. Kasama niya sa may swing si Ate Niňa, bestfriend naming dalawa na classmate nya. Nag-uusap sila at balak ko silang gulatin. Dahan-dahan akong lumapit habang nagpipigil ng tawa nang kabaligtaran ang nangyari. Ako ang nagulat dahil ako pala ang kanilang pinag-uusapan.

            “Ate, hindi ko alam kung seryoso ba siya sakin. Oo nga’t lagi siyang andiyan. Pero kahit minsan hindi kami nagdate kahit sa fastfood, manuod ng sine, di ko natatandaang binigyan niya ako ng bulaklak. O di kaya’y bigyan ako ng chocolate. Softdrinks man lang di ako binigyan. Ako nalang ng ako ang nagbibigay. Pakiramdam ko tuloy huthutan nya ako eh.” Sabi niya na batid ko ang lungkot sa kanyang boses.

            “Baka naman gipit lang siya kaya ganun.” Sagot ni ate habang hinihimas ang likuran nya. Umiiyak ata siya.

            Sa mga sandaling yun ay nakaramdam ako ng guilt. Hini dahil sa hindi ko nga siya sineseryoso o dahil di ko sya mahal, dahil mahal na mahal ko siya. Guilty ako dahil totoong hindi ko man lang siya nabibigyan, kahit simpleng tsokolate ay wala pa akong naibigay sa kanya. Hindi na ako tumuloy sa paglapit at hinayaan nalang silang mag-usap. Ako naman ay nag-isip-isip. Siguro’y panahon na para magdemand ako ng dagdag allowance kay papa, tutal naman ay malaki na ako at maiiintindihan naman siguro niya yun. Tama, yun ang gagawin ko. Pinilit kong mag-enjoy sa christmas party namin at huwag ipahalatang may bumabagabag sa akin.

            Kinabukasan, inihatid ko siya hanggang sa sakayan. Matapos nun ay umuwi na ako. Kinausap ko agad si papa tungkol sa dagdag allowance subalit sermon ang napala ko. Sa isang mahal na university na daw ako pumapasok sa malaki rin ang gastos, gusto ko pa raw na magpadagdag. Napabuntong hininga na lamang ako. Upang lubos kong maintindihan ang sitwasyon, pinakita ni papa yung mga sulat para kay mama. Mga sulat na galing sa isang Financial Agency na nagsasabing may malaking utang si mama sa Hong Kong na kailangang bayaran. Halos manlambot ako sa nabasa ko, dahil kung hindi raw mababayaran yun ay ipakukulong nila si mama.

            Dito naisip kong tumulong, na maghanap ng trabaho. Nag-apply ako sa mga fastfood chain dahil yun lang ang mga company na alam kong tumatanggap ng under age. Natanggap naman ako at sinabi ko kay papa ang plano ko na ikinatuwa naman niya. Subalit nalaman ito ni mama kung kaya tumawag siya sa bahay at kinausap ako.

            Nais ni mama na itigil ko na ang binabalak ko. Nagpapagod daw siya sa ibang bansa upang makapag-aral kaming tatlong magkakapatid. Ayaw niyang mahaluan ng ibang prayoridad ang pag-aaral ko. Nagpumilit pa din ako at ipinaintindi ang nais kong mangyari, subalit umiyak si mama. Matigas na daw ang ulo ko at di na nakikinig sa kanya. Dito ay napasuko ako, pumayag na ako sa gusto ni mama. Di ko na tinuloy ang paghahanap ng trabaho dahil yun ang gusto ni mama.

            Lumipas ang mga araw, ramdam ko ang panlalamig niya sa akin. Parang umiiwas na siya sa akin. Naguguluhan ako. Hanggang sa isang araw ay inabangan ako ni Ate Niňa. Nagkwentuhan kami saglit dahil matagal din kaming hindi nakakapag-usap dahil na din sa iba na ang kurso ko. Sa paglaon ay binuksan niya ang paksa tungkol sa estado namin ng mahal ko. Di ko mapigilang mangilid ang luha ko habang inilalabas ko ang hinanakit ko, ang mga pinagdadaanan ko, pinansyal at sa panlalamig niya sakin. Sinabi ni Ate Niňa ang dahilan, may ka-MU na ibang lalaki ang kasintahan ko, mayaman at naibibigay ang lahat ng gusto niya. Di ko mapigilan ang luhang tumulo na ng tuluyan mula sa aking mga mata. Angsakit. Pero kasalanan ko din naman. Kung mayaman lang sana ako’y wala ng problema.

            Ilang araw pa ang lumipas, lalo siyang nanlamig sa akin. Ayaw na niyang magpahatid sa sakayan nila, ayaw na nyang sumasabay ako pag lunch break, ayaw na nyang hinihintay ko siya sa may gate sa tuwing papasok siya. Dahil duon, natuto akong manigarilyo nang inalok ako ng classmate kong nakapansin sa pagiging malungkutin ko.

            Isang araw, sinundan ko siya habang pauwi na siya. Duon ay kitang kita ko ang isang pulang kotse na huminto sa harapan niya. Lumabas sa kotse si Gilbert, classmate ko nung high school. Pinagbuksan siya nito ng pinto ng kotse at sumakay siya. Umalis sila habang ako nama’y tulala, nagpipigil ng damdaming nais ng sumabog anu mang sandali.

            Pagkauwi ko ng bahay, dumeretso ako ng kuwarto. Duon ko ibinuhos ang lahat ng sama ng loob ko. Maging ang Diyos ay sinisisi ko, bakit ganitong pahirap ang ibinigay Nya sa akin? Lagi naman akong nagsisimba ah? Naging mabuting tagasunod naman ako. Naging mabuting anak, kapatid, kaibigan at kasintahan naman ako. Bakit pinahihirapan pa din ako? Di ko na kinaya ang sama ng loob ko. Lumabas ako ng kuwarto ay naghalungkat sa gamit ni papa at doon, may nakita akong kadena. Kinuha ko din ang cellphone ni papa(bulky yun na may antena at walang SIM card. Nokia 909 ata model nun) kasama ang phone card. Sa mga huling sandali ay nais kong marinig ang boses niya. Tumagaw ako sa landline nila, at sakto naman siya ang sumagot.

            “Hello?”

            “Hello? Sino to?”

            “Hello!”

            “Kung wala kang magawa pumunta ka ng banyo at dun ka magsalsal! Bwiset!”

            Yan ang mga sinabi niya dahil sa pananahimik ko. Nais ko lang siyang marinig. Ibinaba niya ang phone at ako nama’y inilapag ang phone ni papa sa side table ko. Tininali ko ang kadena sa kahoy na pakuan ng kisame tapos ay inilusot ko ang aking ulo sa kadena. Sinipa ko ang silya na aking tinutungtungan. Nabitin ako, ramdam ko ang higpit ng kadena sa aking leeg. Pumikit ako at sa isip ko’y humihingi ako ng tawad sa lahat. Unti-unting nawawalan ako ng hininga. Malapit na ang wakas ng mga pahirap sa buhay ko.

            Handang handa na akong mawala nang biglang bumigay ang kahoy na pinagtalian ko ng kadena, dahilan upang malaglag ako at tumama ang aking puwitan sa paa ng silyang nakatumba. Sobrang sakit ng aking tumbong. Tumama kasi ang paa ng silya sa aking kuyukot.

            Nang maibsan ang sakit ng aking puwitan ay nagpasya na lamang akong umiyak. Umiyak ako ng umiyak, umaasang isama ng mga luha ang lahat ng hinanakit na aking nararamdaman. Matapos umiyak ay gumawa ako ng sulat. Sulat na magpapalaya na sa kanya. Pumunta ako ng university hindi para pumasok, kundi para ipaabot kay Ate Niňa ang aking sulat para sa aking mahal. Matapos nito’y nagdrop na ako at nagpasyang sa susunod na pasukan ay sa ibang university nalamang ako pumasok.

            Napayuko ako dahil sa ala-alang dala ng phone card na hawak-hawak ko ngayon. Labis na kalungkutan ang nararamdaman ko habang tinititigan ko ang card. Natigil lamang ang aking pag-eemote ng may marinig akong busina mula sa labas ng bahay. Pinahid ko ang aking luha at isinilid muli ang mga bagay na punong puno ng ala-ala pabalik sa wooden box. Isinilid ko ang wooden box sa aking maleta, kasama ng mga damit na dadalhin ko.

            “Handa ka na?”

            “Oo.”

            “Tara na. Mamaya darating na din yung truck na maghahakot ng iba nating gamit.”

            Ngumiti lamang ako sa kanya. Buhat-buhat ang aking maleta ay palabas na ako ng aking silid. Bago lumabas ay lumingon ako sa huling pagkakataon upang tingnan ang aking silid. Naroon pa din ang sirang bahagi ng kisame na nabali dahil sa pangyayari nung nakaraan.

            “Anong tinitingnan mo?”

            “W-wala.”

            “Alam ko na. Huwag kang mag-alala, di na ako mawawala sayo. Hinding hindi na mauuulit ang nakaraan.”

            Inakbayan ko siya at sabay kaming lumabas ng bahay. Isang bagong simula, sa bago naming bahay, magkasama at di na muling magwawalay pa.

            Siya nga pala, nagshift ako ng Architecture nung lumipat ako ng university. Nakapagtapos ako at nung OJT ko ay muli kaming nagkasama sa isang kumpanya, ako bilang draftsman at siya naman bilang HR assistant.  Duon ay nagkaayos kami at nagkabalikan.

            Wala na din kaming problemang pinansyal dahil ngayon ay Chief Designer ako sa Architectural Firm na itinayo namin ng apat na pinsan ko na nakapagtapos ng Civil Engineering at Architecture at board passer din sila. Pinondohan ito ng tita ko sa Canada at napalago naman namin. Habang ang mahal ko naman ay isa ng Principal sa isang private school malapit sa amin.

            Marami man kaming napagdaanan, masaya at malungkot, ngayong pasko ay natanggap namin ang pinakamagandang regalo sa amin ng Maykapal. Ang isa’t isa...

4 comments:

  1. i like this story.. napaka natural.. :) ba't di ko to napansin dati? hmmm

    :)

    ReplyDelete
  2. lol ewan, kaw lang pumansin nian xD

    ReplyDelete
  3. Ako din, ngayon ko lang nabasa. Maganda.

    ReplyDelete
  4. sage astig,,tru to lyf ba to?heheheh magcicivil k pla sana..hehehe ako civil din,,hehehhe lol. nice one sage.....

    ReplyDelete